Binibilisan na ng pamahalaan ang flood-control efforts nito sa Metro Manila, sa gitna ng mga naitalang pag-ulan na patuloy na nakakaapekto sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., inatasan na ang government agencies upang i-prayoridad ang kaligtasan ng mga residente at siguruhin ang mabilis na delivery ng tulong sa mga komunidad at apektado ng pagbaha.
Sa press briefing sa Malacañang, inilatag ni DPWH Secretary Vince Dizon ang ipinatupad na interventions sa CAMANAVA.
Nariyan aniya ang restoration ng anim na pumping stations, pagsasara sa gap sa mga dike, at pagkukumpuni sa navigational gate.
“Yung naging baha ngayon, proof na epektibo yung naging resulta nung pag-ayos ng mga pumping station, nung pagsara dun ng mga gaps, at pagkapaluwag ng navigational gate,” -Dizon.
Sabi ng kalihim, gagayahin nila ang modelong ito sa ilan pang flood-prone areas tulad ng Bulacan.
Ang pag-apaw ng San Juan River, tinutugunan na rin aniya, kabilang ang deployment ng dalawang mobile pump.
Magpapatuloy lamang rin ang dredging at clearing operations sa ilog. Habang nakatuon na rin aniya ang atensyon ng tanggapan sa pagtatayo ng mga detention basin na pansamantalang iipon sa tubig baha, bago ito makarating sa San Juan River.