Sinuportahan ni Manila Representative Joel Chua, miyembro ng House Prosecution Panel, ang panukalang ilipat sa hapon ang oras ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Chua, nahihirapan ang maraming Pilipino na masubaybayan ang paglilitis kapag umaga ito isinasagawa dahil sa kanilang mga trabaho at pasok sa paaralan.
Iminungkahi ng mambabatas na mas mainam na idaos ang regular na legislative session ng Kongreso sa umaga, habang ang impeachment trial naman ay isagawa sa hapon.
Layon din ng pagbabago sa iskedyul na palawigin ang oras para sa pagpresenta ng mga ebidensya at pagpapatotoo ng mga testigo. Target din nitong mapabilis ang paggulong ng kaso upang hindi na ito masyadong tumagal.
Ayon sa ilang mambabatas, may posibilidad na abutin pa hanggang Pasko ang impeachment trial kung hindi babaguhin ang kasalukuyang daloy nito.
Dahil dito, buo ang suporta ng Prosecution Panel sa anumang hakbang na magpapabilis sa buong proseso ng paglilitis.