Aminado si Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol na bahagyang delayed na ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos ang sunod-sunod na pagkansela ng mga pagdinig dahil sa masamang panahon.
Ayon kay Tongol, nasa dalawa hanggang tatlong araw na ang delay kumpara sa orihinal na schedule ng korte.
Sa ilalim ng plano, may 31 araw na inilaan para sa presentasyon ng 27 witnesses ng prosecution para sa tinatalakay ngayong Article 1 ng Articles of Impeachment, o ang alegasyon tungkol sa maling paggamit ng confidential funds.
Gayunman, nasa anim pa lamang ang mga natapos na witnesses, samantalang dapat ay nasa ika-9 o ika-10 na sana ang bilang base dapat sa original schedule ng proceedings.
Paliwanag ni Tongol, hindi lamang kanselasyon ng trial ang dahilan ng pagkaantala.
Lumampas din kasi sa isang araw ang inilaan na oras para sa ilang witnesses, kabilang sina COA auditors Roderick Wamil at Xylene del Campo, na parehong umabot ng tig-tatlong araw ang pagtestigo.
Posible rin aniyang magkaroon ng adjustment sa trial schedule depende sa magiging takbo ng mga susunod na pagdinig at kung may mga witness na tatanggalin o hindi na ihaharap ng mga partido.
Kabilang din sa mga opsyong pinag-aaralan ang pagdaraos ng trial tuwing Huwebes, Biyernes, o Sabado bilang make-up days, gayundin ang pagpapahaba o paglipat ng oras ng trial.
Sa ngayon, wala pa ring pinal na desisyon ang mga senator-judge sa magiging adjustment sa schedule.