Mas naging posible para sa mga empleyado ng Pamahalaang Lungsod ng Naga ang pagkakaroon ng sariling bahay matapos simulan ng Pag-IBIG Fund at city government ang turnover ng mga abot-kayang housing unit sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Sakop ng Naga City Employees’ Housing Project ang 576 housing units sa BellaVita Naga sa Barangay Pacol, na nagkakahalaga ng ₱350,000 bawat isa.
Para mas mapagaan ang bayarin, maaaring makakuha ang mga kwalipikadong empleyado ng 3% interest rate kada taon sa unang limang taon sa ilalim ng Expanded 4PH Program.
Ayon kay Mayor Leni Robredo, mahigit 100 housing loan accounts na ang na-take out dalawang buwan matapos lagdaan ang partnership. Target nilang makumpleto ang lahat ng 576 housing units pagsapit ng October.
Layunin ng programa na mabigyan ng mas abot-kayang oportunidad sa homeownership ang mga empleyado ng pamahalaan, lalo na ang mga nasa mababang salary grade at mga unang beses pa lamang bibili ng sariling bahay.