Iginiit ng Senate Impeachment Court na hindi na maaaring baguhin sa kalagitnaan ng paglilitis ang itinakdang 16 na boto ng mga senator-judge na kailangan para sa conviction ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol, “set in stone” na sa ngayon ang naging ruling ni Presiding Officer Chiz Escudero noong unang araw ng impeachment trial noong July 6.
Aniya, maaari lamang itong kuwestiyunin sa Korte Suprema kung may magsasampa ng kaso at mag-aakusa na nagkaroon ng grave abuse of discretion.
Sa ngayon, sinabi ni Tongol na wala pang ganitong hakbang, kaya nananatiling umiiral ang 16-vote threshold.
Tumutugon ito sa panukala ng panig ng prosecution na ibaba ang threshold dahil sa mga senador na hindi nakadadalo sa ilang trial days.
Ayon pa kay Tongol, “dangerous proposal” ang pagbabago ng threshold habang nagpapatuloy ang paglilitis dahil nangangahulugan itong binabago ang rules of the game mid-trial. Binigyang-diin niya na hindi kumikilos ang Impeachment Court para sa kaginhawaan ng prosecution o defense, kundi upang tiyakin ang due process.