May kapangyarihan ang mga pribadong kumpanya na magsuspinde ng pasok sa trabaho tuwing may bagyo, malakas na ulan, at iba pang masamang panahon upang tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga manggagawa.
Ito ang nilinaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng Labor Advisory No. 14. Ayon sa kagawaran, ipinapaubaya sa pamunuan ng mga pribadong kumpanya ang diskresyon sa pagsususpinde ng operasyon kapag may kalamidad.

Kasabay nito, naglabas din ang DOLE ng mga alituntunin ukol sa sahod ng mga empleyado sa gitna ng matinding panahon:
- Pumasok nang hindi bababa sa 6 oras: May karapatang tumanggap ng buong araw na sahod.
- Pumasok nang mas mababa sa 6 oras: Makatatanggap ng porsyonal na bayad o proportional pay batay sa mismong oras na ipinagtrabaho.
- Hindi pumasok sa trabaho: Iiral ang “no work, no pay” maliban na lamang kung may umiiral na mas paborableng patakaran ang kumpanya, Collective Bargaining Agreement (CBA), o kung gagamitin ang naipong leave credits.
Hinimok din ng kagawaran ang mga employer na magbigay ng karagdagang insentibo o benepisyo sa mga manggagawang pinipiling pumasok sa kabila ng masamang panahon.
Binigyang-diin pa ng DOLE na hindi pwedeng patawan ng anumang parusang administratibo o administrative sanction ang mga empleyadong hindi makapapasok o tatangging magtrabaho dahil sa panganib na dulot ng bagyo o pagbaha.