Itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Kalihim ng Kagawaran ng Turismo bilang Vice-Chairperson for Operations ng ASEAN National Organizing Council (NOC) upang palakasin ang mga paghahanda para sa pamumuno ng Pilipinas sa ASEAN Summit Meetings sa taong 2026.
Inilabas ng Pangulo ang Administrative Order No. 48 na nag-aamyenda sa Administrative Order No. 17 (s. 2024). Sa ilalim ng bagong utos, ang Vice-Chairperson for Operations ay tutulong sa Tagapangulo sa pagbibigay ng estratehikong direksyon at operational oversight para sa pagsasaayos ng gaganaping ASEAN Summit.
Nilalayon ng posisyong ito na samantalahin ang pagkakataon upang maitampok ang kultura, mabuting pakikitungo (hospitality), at mga destinasyong panturismo ng bansa. Maliban dito, layunin din nitong itaas ang pandaigdigang imahe ng Pilipinas at patatagin ang posisyon ng bansa bilang isa sa mga nangungunang destinasyon ng mga turista at malalaking pagtitipon.

Ipinatupad ang AO No. 48 sa pamamagitan ng awtoridad ng Pangulo at nilagdaan ni Acting Executive Secretary Ralph G. Recto noong Agosto 13. Nakasaad sa utos na ang NOC Executive Committee, sa pamumuno ng Office of the Director-General for Operations, pati na ang iba pang mga NOC Committees, ay direktang mag-uulat sa Vice-Chairperson for Operations.
Una nang binuo ang ASEAN-NOC sa pamamagitan ng AO No. 17 (s. 2024) upang pangasiwaan ang pagpaplano, pagpapatupad, at pagsubaybay sa mga programa at aktibidad para sa ASEAN 2026. Sa lumang utos, naatasan na ang DOT na pamunuan ang Committee on Tourism, Hospitality, Tours, Events and Site Enhancement.
Ibinase rin ang hakbang na ito sa Seksyon 2 ng Republic Act No. 9593 o ang Tourism Act of 2009, kung saan kinikilala ang turismo bilang isang mahalagang bahagi ng pambansang ekonomiya at isang industriyang may pambansang kahalagahan.
Binigyang-diin sa AO 48 na ang pagpapatuloy ng Pilipinas bilang host ng ASEAN Summit 2026 ay isang malaking pagkakataon upang maipakita ang kakayahan ng bansa sa matagumpay na pag-oorganisa ng mga malalaking kaganapang internasyonal.
Agad na magkakabisa ang nasabing utos matapos itong maitala at maipalabas sa Official Gazette o sa alinmang pahayagan na may pangkalahatang sirkulasyon.