Arestado ng Police Regional Office 6 (PRO6) ang 15 wanted persons sa magkakahiwalay na operasyon na isinagawa sa Western Visayas mula alas-6:00 ng umaga noong Agosto 20 hanggang alas-5:59 ng umaga noong Agosto 21, 2026.
Saklaw ng mga operasyon ang Iloilo, Iloilo City, Capiz, Antique, at Guimaras, kung saan ipinatupad ng mga operatiba ng pulisya ang mga warrant of arrest na inilabas ng korte.
Ayon kay PRO6 Acting Regional Director PBGen Randulf Tuaño, ipinapakita ng naturang accomplishment ang koordinadong pagsisikap ng mga yunit ng pulisya upang matunton ang mga wanted person at maipatupad nang maayos ang mga utos ng korte.
“Kapag may warrant of arrest, our responsibility is to locate the person and implement it properly. Importante rin na every operation is conducted within the law and with respect for the rights of everyone involved,” ani PBGen Tuaño.
Hinimok din niya ang mga taong may nakabinbing kaso na harapin ang mga ito sa pamamagitan ng tamang proseso ng batas at hinikayat ang publiko na magsumbong ng impormasyon sa pamamagitan ng lehitimong mga channel.
Ang naturang accomplishment ay bahagi ng pagpapatupad ng The PRO6 Way — “Responsive, Trusted, and Transformative Policing for a Safer Western Visayas,”
Gayundin ng PNP Focused Agenda at ng pambansang commitment ng Philippine National Police sa ilalim ni Chief, PNP Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”
Pinaalalahanan ng PRO6 ang publiko na i-report ang anumang impormasyon tungkol sa mga wanted person sa pamamagitan ng lehitimong police channels at ipaubaya sa mga awtorisadong tauhan ang pagpapatupad ng mga warrant of arrest.
Ang lahat ng mga naarestong indibidwal ay sasailalim sa kaukulang legal na proseso at bibigyan ng kanilang mga karapatang itinakda ng batas.