Inaalalayan ng Department of Agriculture (DA) ang mga magsasaka mula sa Bengeut sa pagbiyahe at pagbi-benta ng mga aning gulay, na nagiging pahirapan dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.
Naging hamon kasi ang movement ng perishable goods dahil sa landslide at baha, dahilan kung bakit hindi rin makapunta ang buyers sa mga trading post dahil sa masamang panahon.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, dinadala ng DA regional offices ang mga gulay sa Pampanga, Metro Manila, at Cavite.
Sa nakalipas na isang linggo, tinatayang Php1.2 million na halaga ng gulay ang naibenta sa tulong ng ahensya.
Ayon sa opisyal, mayroong pitong cold storage facilities na itinatayo sa Cordillera Administrative Region (CAR) upang mayroong mapaglagyan ng mga ani, sa oras na hindi agad maibiyahe o maibenta ang mga ito.
Para naman sa pangmatagalang solusyon, mayroong proposal ang DA sa 2027 budget para sa pagtatayo ng vegetable processing facility sa 1.5-hectare property sa La Trinidad, Benguet.
Layunin nitong ma-proseso ang mga gulay para tumaas ang value at mas humaba ang shelf life ng mga ani. | ulat ni Racquel Bayan