Bukas ang Department of Finance sa panukalang alisan ng Value-Added Tax (VAT) ang pangunahing produkto bilang dagdag na ayuda sa mga Pilipinong na patuloy na nahihirapan sa mataas na presyo ng bilihin.
Sa interpellation ni Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez sa budget briefing ng Development Budget Coordination Committee, binanggit niya ang mga panukalang alisin ang VAT sa pagkain, kuryente, langis, at iba pang pangunahing pangangailangan.
Tugon naman ni Finance Secretary Frederick Go, hindi siya tutol sa pagtanggal ng anumang buwis basta’t may matutukoy na kapalit na mapagkukunan ng kita ng gobyerno.
Ani Go, kailangang pondohan ng pamahalaan ang ₱7.2 trillion 2027 National Budget kaya dapat timbangin ang epekto ng anumang tax removal sa pondo para sa mga serbisyong pampubliko.
Ipinaliwanag din ng kalihim na bagama’t 12 percent ang statutory VAT rate, nasa anim na porsiyento lamang ang effective VAT rate dahil sa maraming umiiral na exemption.
Wala ring pagtutol ang DOF sa panukalang dalawang taong suspensyon sa pagpapatupad ng Real Property Valuation and Assessment Reform Act (RPVARA), na inihain ni Hernandez kasama si House Ways and Means Committee Chair Miro Quimbo.
Ayon kay Go, kung magpapasa ang Kongreso ng batas para ipagpaliban ang pagpapatupad ng RPVARA, susunod at ipatutupad ito ng ahensya.