📷 DPWH
Tiniyak ng Malacañang na makakarating sa tamang paggagamitan ang pondo para sa pagpapatayo ng mga evacuation center sa ilalim ng iminungkahing 2027 national budget.
Sa isang press briefing sa Palasyo noong Huwebes, pinawi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang mga pangamba hinggil sa posibleng pang-aabuso o maling paggasta sa naturang pondo. Ayon sa kaniya, nakatutok si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagtiyak na magagamit nang maayos at episyente ang bawat piso.
“Marami tayong paraan para makita natin kung may mga proyektong napondohan pero hindi nagawa dahil iyan naman ang gusto ng ating Pangulo,” pahayag ni Castro.
Binigyang-diin pa ng opisyal na ayaw na ng Punong Ecutivo na maulit ang mga usapin ng “ghost projects” na naitala sa mga nakalipas at maging sa kasalukuyang administrasyon.
Batay sa pahayag ng Department of Budget and Management (DBM), ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC)—sa pakikipagtulungan sa mga local government unit (LGU) at iba pang kaugnay na ahensya—ang may pormal na mandato sa ilalim ng Republic Act No. 12076 o ang Ligtas Pinoy Centers Act upang tukuyin at mag-prioritize ng mga pagtatayuan ng pasilidad.
Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) naman ang magsisilbing implementing agency para sa pagpapatayo ng mga pansamantalang tirahan.
Ikinlaro ni Castro na ang pagpili ng lokasyon ay nakabase sa mga teknikal na pamantayan tulad ng disaster risk topography, bakanteng lupa, at ang mismong pangangailangan ng mga komunidad. Ibig sabihin, ang mga eksaktong site ay idinadaan sa prosesong itinakda ng batas at hindi lamang sa sariling kagustuhan ng DBM o DPWH.
“The site identification process is already underway. On 10 August 2026, DPWH formally requested from the Office of Civil Defense the prioritized list of sites to ensure the projects are properly identified and ready for implementation,” dagdag ni Castro habang binabasa ang pahayag ng DBM.
“In short, the purpose, number, cost, and implementing framework are already defined. The specific sites are being finalized to the legally mandated prioritization process,” ayon pa sa DBM.
Para sa fiscal year 2027, ang panukalang alokasyon ay sasaklaw sa dalawang Ligtas Pinoy Centers (LPC) sa bawat rehiyon. Bawat center ay popondohan ng ₱90 milyon batay sa limang taong implementation plan ng LPC, kabilang na ang site development at adjustments para sa mga kakaibang kondisyon ng napiling lokasyon.