Pinalagan ng National Irrigation Administration (NIA) ang mga balita sa social media hinggil sa umano’y panganib ng “pagbagsak” ng mga pangunahing dam sa bansa dahil sa tuloy-tuloy na pagbuhos ng malakas na ulan.
Sa ginanap na Bagong Pilipinas Ngayon briefing, pawiin ni NIA Administrator Eduardo Guillen ang pangamba ng publiko at sinabing walang katotohanan at malabong mangyari ang naturang mga haka-haka dahil matatag ang estraktura ng mga imbakan ng tubig, partikular na ang Magat at Pantabangan dams.
“Hindi po, kasi alam ninyo naman, marami pa pong mas malalakas na pag-ulan ang pinagdaanan ng ating mga dams,” pahayag ni Guillen. “Itong Magat at Pantabangan, mahigit 50 years na at sa awa naman ng Diyos ay maayos naman po.”
Binigyang-diin ng opisyal na regular na sumasailalim sa masusing ebalwasyon, maintenance, at monitoring ang mga dam upang matiyak ang kaligtasan ng mga ito kahit sa gitna ng masamang panahon.
Bukod sa matatag na estraktura, sinabi rin ni Guillen na malaking tulong ang naiipong tubig sa mga dam para sa sistemang irigasyon ng bansa bago pumasok ang matinding El Niño. Dagdag pa niya, malayo pa sa kapunuan ang mga ito — may humigit-kumulang 30 metro pa ang Pantabangan Dam habang nasa 10 metro pa ang Magat Dam bago maabot ang kanilang full capacity.
Makabagong Teknolohiya sa Weather Forecasting
Inihayag din ng NIA chief na gumagamit na ang ahensya ng Artificial Intelligence (AI) sa weather forecasting para sa mas epektibong pagbabantay.
“May ginagamit po ang NIA ngayon, iyong artificial intelligence sa weather forecasting… Two weeks prior po na bumagsak iyong ulan, alam na po ng NIA, may estimate na po kami kung ilan ang babagsak doon sa ating catchment area,” paliwanag ni Guillen.
Dahil sa teknolohiyang ito, nakapagsasagawa ang ahensya ng “pre-release” o paunang pagpapakawala ng tubig kapag inaasahang lalagpas ito sa kapasidad, na nakatutulong nang malaki sa flood control.
Ayon sa huling ulat ng DOST-PAGASA nitong Huwebes ng 8 a.m., umabot sa 178.73 meters above sea level (masl) ang antas ng tubig sa Magat Dam, habang ang Pantabangan Dam naman ay nasa 188.94 masl. Kumpirmado ng NIA na wala pang naitalang spill discharge o pagpapakawala ng tubig sa dalawang nabanggit na dam.