Aabot sa 25 gasolinahan ang nasita ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa unang tatlong araw ng malawakang fuel marking enforcement drive sa Luzon.
Sinimulan ang operasyon noong August 17 katuwang ang Bureau of Customs kung saan aabot na sa 65 na gasoline stations ang nainspeksyon.
Bahagi ang fuel marking sa mga hakbang ng BIR para matukoy ang posibleng tax evasion o hindi pagbabayad ng tamang buwis sa gasolina, diesel, at kerosene.
Ayon sa BIR, naimbentaryo na ang mga langis at sinelyuhan ang mga dispensing pump ng mga nasitang gasolinahan habang hinihintay ang confirmatory testing.
Kapag nakumpirmang may paglabag, tutukuyin ng BIR ang kaukulang buwis, penalty at iba pang obligasyon at saka magkakasa ng enforcement at collection action.
Target naman ni BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza na palawakin pa ang operasyon sa iba pang bahagi ng bansa para matugunan ang posibleng revenue leakages sa petroleum sector.
“We are making fuller use of Fuel Marking and our other enforcement tools to identify revenue leakages, act on them quickly, and protect compliant businesses from unfair competition in the petroleum sector,” pahayag ni Commissioner Mendoza.
📸 BIR

