Tiniyak ng Palasyo na hindi papasok si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa alinmang kasunduan na hindi paborable sa interes ng Pilipinas at ng mga Pilipino.
Ito ang ipinahayag ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro sa harap na rin ng mga pangambang napag-uusapan hinggil sa Pax Silica.
Ayon kay Castro, dapat idaan sa maayos na pag-uusap ang anumang mga pagkabahala habang tiniyak nito na ang layunin ng Pangulo ay magkaroon ng win-win agreement na pakikinabangan ng Pax Silica, ng bansa, at ng ating mga kababayan.
Binigyang-diin din ni Castro na hindi dapat maisa-isantabi ang kapakanan ng mga magsasaka at katutubo at ang dapat manaig ay ang batas ng Pilipinas sa gitna ng anumang kasunduan.
Nilinaw din ng PCO official na sa halos 9,000 ektarya ng lupain na nakalaan para sa proyekto, mahigit 3,000 ektarya lamang ang itinalagang buildable zone o lugar na maaaring tayuan ng imprastraktura.