Ipinanawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mas malakas na ugnayan sa pagitan ng pambansa at lokal na pamahalaan sa gitna ng pagsisikap ng Administrasyon na epektibong matugunan ang suliranin ng malnutrisyon.
Ito’y sa gitna ng nananatiling hamon tungkol sa malnutrisyon lalo na sa mga lugar na limitado ang pondo at teknikal na kakayahan ng mga lokal na pamahalaan.
Sinabi ng Punong Ehekutibo na kailangang palakasin ang kakayahan ng mga LGU sa pagpapatupad ng mga nutrition program gayundin ang kakulangan sa pondo.
Sa gitna nito’y tiniyak naman ng Pangulo na patuloy na magbibigay ng suporta ang national government habang inaasahan namang mga lokal na pamahalaan ang kikilos para sa implementasyon ng mga programang pang-nutrisyon.
Maigi din aniya na panatilihin ang tuloy-tuloy na koordinasyon sa national government upang matiyak na agad na matutugunan ang mga pangangailangan at hindi mababalam ang paghahatid ng serbisyong pang-nutrisyon sa mga Pilipino.