Photo courtesy of Senate of the Philippines
Walang nakalaang partikular na pondo para sa proyektong Pax Silica sa 2027 budget ng Bases Conversion and Development Authority o BCDA, gayundin sa corporate operating budget nito para sa 2026 at 2027.
Ito ang kinumpirma ni Senador Bam Aquino, sponsor ng BCDA budget, sa plenary deliberations matapos itong usisain ni senadora Imee Marcos.
Kinumpirma ni Aquino na mayroong P32 million na pondo ang BCDA para sa financial assistance, pero hindi ito partikular na nakalaan para sa mga residenteng maaapektuhan ng Pax Silica.
Gayunman, ito ang posibleng mapagkunan ng tulong kung may mga pamilyang mangangailangan nito.
Kinuwestiyon din ni Marcos kung may sapat na pondo para sa kompensasyon at relokasyon ng mga residenteng mawawalan ng bahay, lupang sakahan at kabuhayan.
Sa datos ng BCDA, nasa 198 pamilya ang posibleng maapektuhan.
Gayunman, pinunto ni Aquino na mas mataas ang bilang na naitala sa mga nakaraang pagdinig, na umaabot sa halos 400, habang may mga ulat na nagsasabing maaaring umabot ito sa 1,000.
Iminungkahi naman ni Senator Bam na tumulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD)at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa pagtukoy sa lahat ng posibleng maaapektuhang pamilya, kabilang ang mga magsasaka at katutubo.
Iginiit naman ni Marcos na kailangang malinaw kung sino ang sasagot sa gastos sa relokasyon, kompensasyon at pagpapanumbalik ng kabuhayan ng mga residente kung ang pamahalaan ng Pilipinas, Estados Unidos o mga pribadong kumpanyang gagamit sa lugar. Binigyang-diin ng mga senadora na dapat munang magkaroon ng konsultasyon, pahintulot at sapat na suporta para sa mga residente bago ituloy ang proyekto.