Nanawagan si Senador Erwin Tulfo ng koordinadong pagkilos ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para matugunan ang mga problema sa sektor ng turismo at mapalakas ang industriya sa bansa.
Sa plenary deliberations sa 4.03-billion-peso na panukalang 2027 budget ng Department of Tourism (DOT), natalakay ang mataas na pamasahe at kakulangan ng flights patungo sa mga pangunahing tourist destination gaya ng Coron at El Nido sa Palawan, Siargao at Batanes.
Kabilang din sa mga problema ang maliliit na paliparan, kawalan ng koneksyon ng mga transport hub, hindi maayos na mga kalsada, kakulangan ng pasilidad medikal at kawalan ng Wi-Fi sa mga tourist destination.
Ayon kay Senator Erwin, na siyang nagdepensa ng budget ng DOT, hindi kayang solusyunan ng Tourism Department lang ang mga problemang ito kaya kailangang makibahagi ang Department of Transportation (DOTr) sa pagmonitor ng pamasahe, Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagpapabuti ng mga kalsada, Department of Health (DOH) sa pagkakaroon ng serbisyong medikal at Department of Information and Communications Technology (DICT) sa internet connectivity.
Binigyang-diin ni Tulfo na ang pagtugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga turista ay makatutulong para mapataas ang kalidad ng turismo sa bansa at mapakinabangan ito ng mga Pilipino at dayuhang bumibisita.
Inaprubahan na ng Senado ang panukalang budget ng DOT sa plenaryo, nang walang pagtutol mula sa mga senador. Matapos nito ay sasailalim na sa mga indibidwal at institusyonal na amendments.