Photo courtesy of Senate Public Relations and Information Bureau
Pinatututukan ni Senadora Imee Marcos sa Department of Education (DepEd) ang mga programa para sa anti-bullying, psychosocial support at school safety, kasunod ng mga insidente ng karahasan sa mga paaralan.
Sa plenary deliberations ng panukalang 2027 budget ng DepEd, tinanong ni Senadora Imee kung paano ipamamahagi ang mga school counselor associate at security guard at kung ano ang pamantayan sa pagpili ng mga paaralang unang mabibigyan ng mga ito.
Ayon kay Senador Bam Aquino, budget sponsor ng DepEd, 67 percent na ng mga school counselor associate positions ang napunan, habang may natitira pang 3,300 bakante.
Nasa 20 percent naman ang napunan sa mga full-fledged guidance counselor at specialist positions.
Kabilang sa pamantayan sa deployment ang laki ng paaralan, kung mayroon nang guidance counselor, mga dati nang nakalaang posisyon at ang bilang ng bullying incidents.
Uunahin aniya ang malalaking paaralan na walang counselor at mga lugar na may mataas na insidente ng bullying.
Sa child protection program, nasa ₱45 milyon ang pondo, habang ₱82 milyon ang para sa mental health at guidance counseling, ₱153 milyon para sa school health at ₱163 milyon para sa youth formation.
Hiniling naman ni Marcos na pagsama-samahin ng DepEd ang kabuuang pondo at mga programa para sa school safety, kabilang ang guidance counselors, security guards, CCTV, metal detectors at iba pang security equipment upang malinaw na maipabatid sa mga magulang ang mga hakbang para sa kaligtasan ng kanilang mga anak.
Nangako naman si Aquino na isusumite sa senador ang consolidated report.
Kaugnay nito, nanawagan din si Aquino na maipasa na sa Kongreso ang panukalang School Safety Act upang masiguro ang pagpapatuloy at paglalaan ng pondo sa mga programang pangkaligtasan ng mga estudyante. | ulat ni Nimfa Asuncion