Photo courtesy of Senate of the Philippines
Nasa 500 pa lamang sa target na 18,950 bagong silid-aralan para sa 2026 ang natapos at nagagamit na, ayon sa Department of Education (DepEd).
Sa interpellation ni Senadora Imee Marcos sa panukalang 2027 budget ng ahensya, sinabi ng DepEd sa pamamagitan ni Senador Bam Aquino na ang natitirang mga target na silid-aralan ay nasa proseso pa ng bidding, procurement at konstruksyon.
Ayon kay Aquino, 6,000 silid-aralan ang nakatakdang ipatayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa mga lokal na pamahalaan naman, nasa 425 LGU ang nasa preparatory phase para sa pagtatayo ng 9,043 silid-aralan.
Tinalakay rin ang paglahok ng civil society organizations (CSOs) sa pagpapatayo ng mga classroom.
Ayon kay Aquino, tanging ang Chinese Chamber of Commerce pa lamang ang accredited na CSO para makatuwang ng ahensya sa pagpapatayo ng mga silid-aralan, bagama’t may ilan pang CSO na sumasailalim sa proseso ng accreditation.
Umaasa si Senadora Imee na mapapabilis ang pag-accredit sa iba pang CSO upang makatulong sa pagpapabilis ng konstruksyon ng mga silid-aralan.