Ipinanawagan ni Senator Risa Hontiveros sa Department of Energy (DOE) na alamin kung paano maibabalik sa mga motorista ang sobrang pera na naibayad sa produktong petrolyo matapos hindi sumunod ang ilang gasolinahan sa iniutos na oil price rollback.
Una nang naglabas ng show cause order ang DOE laban sa 259 gas stations na hindi tumugon sa price adjustments.
Ayon sa senador, inirereklamo ng mga motorista kung bakit mabilis ang mga gasolinahan sa pagtataas ng price hike kapag mataas ang produktong petrolyo, subalit mabagal naman sa pagpapatupad ng rollback kapag bumaba ang presyo nito.
Giit ni Hontiveros, dapat magkaroon ng malinaw na refund mechanism ang DOE para maibalik ang sobrang ibinayad ng mga motorista.
Samantala, aaralin ng ahensya kung paano makakapagbigay ng refunds o compensation sa mga apektadong motorista.