Nanawagan si Deputy Speaker at Iloilo Representative Janette Garin na dapat pangalagaan ang mga insentibo ng pamahalaan na nakalaan para sa maliliit na negosyo, kasabay ng kanyang hiling na masusing busisiin ang magkakaibang rekord ng Cale88 Foods Corp.
Ayon kay Garin, ang hindi pagtutugma sa mga talaan ng empleyo, produksyon, at pananalapi ng nasabing banana chips exporter ay nagdudulot ng mga katanungan hinggil sa pagsunod nito sa mga patakaran ng gobyerno.
Ang Cale88 ay dating pagmamay-ari rin ng asawa ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Manases “Mans” Carpio.
Binigyang-diin ng lider ng Kamara na dapat magamit ang mga insentibo ng pamahalaan sa tunay nitong layunin na tulungan ang mga lehitimong negosyo na lumago, makalikha ng trabaho, at makapag-ambag sa pag-unlad ng ekonomiya.
Kasabay nito, kinuwestiyon din ni Garin kung paano nakakuha ng pag-apruba sa Board of Investments (BOI) ang Cale88 Foods Corp. sa loob lamang ng isang araw.
base sa rekord na nagsumite ng aplikasyon ang Cale88 noong December 6, 2021, naaprubahan ito kinabukasan, December 7, at natanggap ang Certificate of Registration noong December 9.
Naganap ang nasabing rehistrasyon sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.