Nagtalaga si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng mga bagong opisyal na mamumuno sa Maritime Industry Authority (MARINA), Land Transportation Office (LTO), at Philippine National Railways (PNR) bilang bahagi ng pinaigting na reporma ng administrasyon sa sektor ng transportasyon.
Sa anunsyo ng Malacañang sa pamamagitan ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, itinalaga si dating LTO Chief at Assistant Secretary Markus Lacanilao bilang bagong administrator ng MARINA. Papalit naman sa kanya bilang pinuno ng LTO ang abogadang si Noreen Bernadette San Luis-Lutey, na dating nagsilbing city administrator ng Naga City. Samantala, pinangalanan bilang bagong general manager ng PNR si PCO Undersecretary Jorjette Aquino, na dati ring nanungkulan bilang assistant secretary sa Department of Transportation (DOTr).
Ayon kay Castro, ang naging mahusay na pagganap ni Lacanilao sa LTO mula noong Oktubre 2025—partikular ang kanyang kampanya laban sa korapsyon—ang nagbigay-daan upang ipagkatiwala sa kanya ng Pangulo ang mas malaking tungkulin sa industriya ng maritima. Binigyang-diin ng opisyal ang kahalagahan ng MARINA na nangangasiwa sa humigit-kumulang 24,000 rehistradong sasakyang-pandagat at nasa 82 milyong biyahe ng mga pasahero sa dagat kada taon.
“Ang nais po ng Pangulo, unang-una po, safe, comfortable sea travel and goods moving faster. So since sa LTO po si dating Asec. Markus Lacanilao ay nakapag-deliver ng magandang trabaho at magandang mensahe laban sa korupsiyon, so mas malaking misyon ang iniatang sa kanya ng Pangulo,” pahayag ni Castro.
Layunin ng nasabing balasahan at mga bagong pagtatalaga na mapabilis ang paghahatid ng serbisyo publiko, mapatibay ang pananagutan sa mga ahensya ng gobyerno, at matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga komyuter, pasahero, at negosyong umaasa sa sistema ng transportasyon sa bansa.