Aprubado na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magbibigay ng mas malawak na kapangyarihan sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) laban sa online piracy at pagbebenta ng mga pekeng produkto.
Sa ilalim ng House Bill 11616, maaaring hilingin ng mga may-ari ng copyright at intellectual property rights na ipa-block ang mga website na pangunahing ginagamit sa paglabag sa kanilang mga karapatan.
Inaatasan naman ang internet service providers na ipatupad ang blocking order sa loob ng 48 oras mula sa pagkakaloob nito.
Ang mga lalabag ay papatawan ng multang ₱100,000 hanggang ₱1 milyong, bukod pa sa karagdagang multa sa bawat araw na magpapatuloy ang paglabag.
Pinalalawak din ng panukala ang kapangyarihan ng IPOPHL na magsagawa ng imbestigasyon at mangalap ng impormasyon laban sa mga lumalabag.
Layunin nito na protektahan ang mga manunulat, musikero, filmmaker, at negosyanteng naaapektuhan ng pamimirata at pamemeke ng produkto.