Tiniyak ng liderato ng Kamara na magkakaroon ng mahigpit na safeguards laban sa mga ghost project, overpricing at substandard na konstruksyon kasabay ng pagbabalik ng pondo para sa flood control projects.
Ayon kay Deputy Speaker at Iloilo Representative Janette Garin, kailangang matiyak na mapupunta lamang ang pondo sa mga kinakailangan at maayos na maipatutupad na proyekto.
Umaasa si Garin na magkakaisa ang Kamara at Senado para matiyak ang epektibong paggamit ng pondo.
Kabilang sa mga safeguards ang pagbabatay ng pondo sa aktuwal na pangangailangan, detalyadong programa ng paggawa, price limits at minimum engineering standards.
Binigyang-diin ni Garin na hindi dapat tuluyang itigil ang mahahalagang flood control projects dahil lamang sa mga kontrobersiya ng korapsyon.
Aniya, mahalaga ang mga proyektong ito upang maprotektahan ang buhay, kabuhayan at ekonomiya ng bansa.
Babala ni Garin, maraming mamamayan ang mawawalan ng hanapbuhay at maaapektuhan ang pang-araw-araw na trabaho kung hindi masosolusyunan ang problema sa pagbaha.