Photo courtesy of Senate of the Philippines
Kinuwestiyon ni Senate President Pro Tempore Vicente Sotto III ang paggamit ng foreign video references at ilang learning materials na may temang LGBT sa mga aklat para sa mga batang nasa elemetary level.
Sa interpellation sa 2027 budget ng Department of Education (DepEd), ipinakita ni Sotto ang Grade 3 textbook na “Bandila: Mga Kasaysayan, Makabansang Pilipino” na gumagamit ng QR code na nagli-link sa video tungkol sa Bulkang Mayon mula sa China Global Television Network, isang state-run media network ng China.
Giniit naman ng budget sponsor ng DepEd na si Senador Bam Aquino na dapat lokal o kaya ay nasuri at naaprubahan muna ng DepEd ang mga references na ginagamit sa mga aklat ng mga mag-aaral.
Samantala, kinuwestiyon din ni Sotto ang pagiging angkop ng ilang materyales tungkol sa LGBT para sa mga batang nasa Grade 1, na naging kontrobersiyal sa social media.
Nilinaw ni Sotto na hindi ang ideolohiya ng LGBT ang kaniyang tinututulan, kundi kung angkop na bang ituro na ang naturang paksa sa murang edad, partikular sa mga estudyante ng Grade 1.
Hinimok ng senador ang DepEd na higit na pagtuunan ang mga aralin tungkol sa paggalang at kabutihan sa kapwa.
Iminungkahi rin ni Sotto na bigyang-prayoridad ang mga aklat at learning materials tungkol sa anti-drug abuse prevention, anti-bullying, financial literacy at mental wellness, gayundin ang pagpapalakas ng kakayahan sa pagbasa at kaalaman sa kasaysayan ng Pilipinas.
Sinabi naman ni Senator Bam Aquino, na siyang nagdepensa ng budget ng DepEd, na tinatalakay na sa iba’t ibang baitang ang mga naturang paksa at muling susuriin ng DepEd kung angkop ang mga ito sa bawat grade level.