Nanawagan ang tatlong mambabatas ng mas pinaigting na proteksyon para sa kababaihan at mga bata upang makabuo ng ligtas at mapayapang mga komunidad.
Kasabay ito ng pagsisimula ng 18-Day Campaign to End Violence Against Women, pagdiriwang ng National Children’s Month, at paglulunsad ng Women, Peace and Security Agenda.
Ayon kay House Committee on Women and Gender Equality Chairperson Ann Matibag, hindi magkakahiwalay ang usapin ng karahasan laban sa kababaihan, pang-aabuso sa mga bata, at pagpapanatili ng kapayapaan.
Binigyang-diin naman ni Nanay Party-list Representative Florabel Yatco na responsibilidad ng lahat na matiyak na ligtas ang mga bata laban sa anumang uri ng pang-aabuso at karahasan.
Iginiit ni Cotabato 3rd district Representative Ma. Alana Samantha Taliño Santos na dapat ding mabigyan ng pagkakataon ang kababaihan na makilahok sa pamumuno at mga desisyong nakaaapekto sa kanilang komunidad.
Ipinaliwanag ni Matibag na kinikilala ng Women, Peace and Security Agenda ang mahalagang papel ng kababaihan sa pagpapanatili ng seguridad at pagtataguyod ng kapayapaan.