Nilinaw ng kampo ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na wala sa konteksto ang kumalat na quote na iniuugnay sa senador na nagsasabing “lahat tayo magnanakaw sa gobyerno.”
Ayon sa tanggapan ni Cayetano, ang pahayag ay mula sa kanyang interpellation noong November 23 at hindi sa Facebook Live niya noong November 24, gaya ng nakasaad sa art card ng Pampanga Today.
Paliwanag ng kanyang kampo, inilalarawan lang ng senador ang kawalan ng tiwala ng publiko sa pamahalaan at hindi niya inaakusahan ang lahat ng lingkod-bayan na nagnanakaw.
Ginawa ito nang ibahagi ng minority leader ang suhestiyon na mag-ambag ang mga may-kayang Pilipino para mabawasan ang utang ng bansa.
Hiniling ng kanyang tanggapan sa Pampanga Today na itama ang attribution at pinaalalahanan ang mga media organization at social media page administrator na tiyaking tama ang mga quote at hindi inaalis sa konteksto ang mga pahayag. Samantala, pinuna rin ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang naturang quote sa isang post sa X, kung saan hinimok niya si Cayetano na huwag idamay ang lahat ng opisyal ng gobyerno sa umano’y pahayag na corrupt ang lahat.