Bumaba sa 3.7 million na lamang ang kinakailangang bahay o housing needs sa bansa hanggang taong 2028 mula sa dating pagtaya na 6.9 million.
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling nakabatay ito sa pinakahuling pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Paliwanag ni Sec. Aliling, ang 3.7 million ay hindi nangangahulugang kailangang magtayo ng panibagong 3.7 million na bahay at lupa.
Ipinaliwanag ng kalihim na nahahati sa tatlong pangunahing kategorya ang naturang bilang.
Una ay ang mga tahanan na kailangan lang ipaayos o i-renovate—na tutugunan sa pamamagitan ng Community Mortgage Program (CMP) at Home Improvement Loan ng Pag-IBIG; “doubled-up” na pamilya o mga tahanang higit sa isang pamilya ang nakatira; at bagong pamilya na inaasahang magtatayo ng sariling household.
Inilahad din ng ahensya na ang malaking pagbaba mula sa 6.9 million ay dahil sa pagbabago sa pagtaya sa inventory loss o mga bahay na nasisira ng bagyo, lindol, o pagkaluma—kung saan ipinakita ng PSA na 399,000 na lang ang projected loss imbes na 3.7 million.
Samantala sinabi ri ng kalihim na mahigit kalahati na ng 1.13 milyong housing target ng administrasyong Marcos ang kanilang nakamit at kumpiyansa silang maaabot ang target bago matapos ang termino.