Bukas ang Malacañang sa mga panukalang ipagbawal sa bansa ang mga social media platform tulad ng Facebook, pati na rin ang ilang gaming apps, kung mapapatunayang nagdudulot ang mga ito ng banta sa pampublikong kaligtasan at hindi nakikitang kumikilos laban sa online harms at disimpormasyon.
Inihayag ito ni Palace Press Officer Claire Castro matapos lumabas ang pahayag ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na pinag-aaralan nitong irekomenda ang pag-ban sa Facebook kasunod ng naganap na pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University.
Ayon kay Castro, kailangang dumaan sa masusing pag-aaral ang anumang panukala, lalo na kung ang mga naturang platform ay hindi nakikipagtulungan sa pamahalaan upang protektahan ang mga Pilipino laban sa karahasan at maling impormasyon.
“Kung kinakailangan po at ito po ang napag-aralan kasi marami po talagang … hindi lamang po sa nagiging marahas iyong nakikita natin sa iba’t ibang klase na social platform at sa social media, kailangan din pong pag-aralan kung ito ba ay nakakabuti sa paglaganap ng mga fake news sa ating bansa,” pahayag ni Castro.
Binigyang-diin ng opisyal na dapat suriin ang mga digital platform na walang sapat na pananagutan o mabagal tumugon sa mga kahilingan ng pamahalaan para sa kaligtasan ng publiko.
“Kung hindi magkakaroon ng accountability ang anumang social media platform at parang nababalewala ang ating mga hiling para maproteksyunan ang ating mga kababayan laban sa karahasan, laban sa fake news, kung mabagal ang pagtugon, magandang pag-isipan at pag-aralan kung dapat silang manatili na parte ng ating sistema,” dagdag pa niya.
Nang tanungin kung maaari itong lumabag sa kalayaan sa pagpapahayag o freedom of expression, nilinaw ni Castro ang pagkakaiba ng fake news sa malayang pagbibigay ng opinyon o batikos.
“Iba naman po kasi iyong fake news; iba naman po kasi iyong ikaw ay naglalahad lamang ng inyong opinion, kritiko ka, hindi po iyan pinagbabawalan,” paliwanag ni Castro. “Wala pong pinagbabawalang kritiko lalung-lalo na sa panahon ngayon ni Pangulong Marcos Jr.”
Aniya, ang pangunahing alalahanin ng administrasyon ay ang sadyang pagpapakalat ng maling impormasyon at ang epekto nito sa kabataan. Bukod sa social media, susuriin din ng gobyerno ang iba pang mga app na maaaring magdulot ng panganib sa mga bata at sa buong bansa.
Sa kasalukuyan, ang Facebook ang isa sa pinakamalaking platform sa Pilipinas na may humigit-kumulang 95 milyong Filipino users.