Inatasan ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, Gen. Antonio Nafarrete ang mga Commander sa ground na palakasin ang intelligence monitoring, pakikipag-ugnayan, at operational readiness sa kanilang areas of responsibility.
Ito ang direktiba ni Nafarrete nang personal itong bumisita sa punong tanggapan ng 6th Infantry Division ng Philippine Army sa Camp Siongco, Awang, Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte.
Layon ng pagbisita ng AFP Chief sa naturang lugar na suriin ang mga paghahandang pangseguridad para sa makasaysayang Parliamentary Elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa Setyembre.
Kasama ni Nafarrete sa kaniyang pagbisita ang Commanding General ng Philippine Army na si LtGen. Donald Gumiran.
Sa pagpupulong, tinalakay ang security updates, operational plans, at paghahanda ng mga units sa mga lugar na sakop ng halalan.
Binigyang-diin ng AFP chief ang pangangailangang manatiling alerto at handa ang mga sundalo sa anumang banta o insidenteng maaaring makaapekto sa electoral process.
Layunin nitong matiyak ang seguridad ng mga botante, election personnel, kandidato, at political parties sa buong proseso ng halalan.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng AFP sa COMELEC, PNP, mga lokal na pamahalaan, at iba pang stakeholders para sa mapayapa, maayos at credible ang kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections.