Planong rebisahin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang implementing rules and regulations (IRR) kaugnay sa ligtas na pagtatago ng mga baril, kasunod ng dalawang insidente ng pamamaril sa mga paaralan kung saan ginamit ang government-issued firearms.
Sa budget briefing ng DILG, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na sa dalawang insidente sa Tacloban at Zamboanga City, government-issued firearms ang ginamit at kapwa umano hindi nasunod ang standard procedure sa kanilang safekeeping.
Ayon kay Remulla, nasa protocol na responsibilidad ng may-ari ang kanyang issued firearm sa lahat ng oras at dapat itong nakalagay sa ligtas na lugar, naka-lock at susi, kapag hindi ginagamit o wala sa kanyang possession.
Sa Tacloban case, naiwan umano ang baril sa ibabaw ng mesa, habang sa Zamboanga City case naman ay naiwan ito sa loob ng sasakyan.
Dahil dito, iminungkahi ng DILG na amyendahan ang IRR upang mabigyan ng access ang PNP sa mga tahanan ng mga lawfully issued firearm holders para ma-inspect kung maayos at ligtas ang pagkakatago ng kanilang mga baril.
Nilinaw ni Remulla na magbibigay muna ng abiso bago isagawa ang inspection at magkakaroon ng checklist upang matiyak na nasusunod ang tamang gun-safekeeping practices, kabilang ang pagtiyak na hindi maaabot ng mga bata ang baril.
Ayon kay Remulla, hindi ito dapat ituring na paglabag sa karapatan dahil ang pagmamay-ari ng baril ay isang pribilehiyong ipinagkakaloob ng batas at hindi isang karapatang nakapaloob sa Konstitusyon.