Umapela ang Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Kamara na madagdagan ang kanilang emergency repatriation at AKSYON Fund sa 2027.
Sa budget briefing sinabi ng OWWA na nasa ₱900 million lamang ang nakalaan sa 2027 National Expenditure Program (NEP) para sa Emergency Repatriation Fund—mas mababa ng ₱300 milyon kumpara sa ₱1.2 bilyong alokasyon noon at pinakamababa sa nakalipas na apat na taon.
Ayon kay OWWA Administrator PY Caunan, umabot na sa ₱1.7 billion ang nagamit ng ahensya para sa emergency repatriation ngayong taon, kabilang ang ₱700 million na supplemental funding, dahil sa mga nagaganap na kaguluhan sa Middle East.
Kaya naman hirit ng opisyal na maibalik sa hindi bababa sa ₱1.2 billion ang pondo para matiyak ang kahandaan ng gobyerno sakaling magkaroon muli ng malawakang krisis na mangangailangan ng pagpapauwi sa mga OFW.
Nais din ng kagawaran na madagdagan ng ₱1 billion ang ₱2-billion AKSYON Fund na nakapaloob sa 2027 NEP.
Paliwanag ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac, kailangan ang karagdagang pondo dahil hindi tiyak ang geopolitical situation at kailangang may sapat na resources ang gobyerno para sa mga posibleng panibagong emergency at pangangailangan ng mga OFW.
Ginagamit ang AKSYON Fund para sa financial, medical, legal, welfare assistance at repatriation ng mga distressed OFW.