Photo courtesy | Ministry of External Affairs, Government of India
Patuloy ang pagdating ng tulong mula sa iba’t ibang bansa at international organizations para sa Nepal matapos ang mapaminsalang flash flood na kumitil ng dose-dosenang indibidwal at nag-iwan ng malawakang pagkasira ng mga tahanan at iba pang imprastruktura.
Ayon sa ulat ng Reuters, nagpadala ang India ng 10 metriko toneladang relief supplies kabilang ang mga pansamantalang tirahan, kumot, hygiene kits, solar lamps at mga gamot.
Naglaan naman ang International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies ng isang milyong Swiss francs o humigit kumulang 1.24 milyong dolyar para suportahan ang Nepal Red Cross sa relief operations.
Ayon pa sa ulat, nagbigay rin ang Estados Unidos ng 500,000 dolyar at nagpadala ng disaster response adviser.
Samantala, nagbigay naman ang China ng emergency supplies at cash assistance, habang naghahanda naman ang European Union ng karagdagang tulong.
Nagpaabot din ang World Health Organization ng mahahalagang medical supplies at multipurpose tents.
Patuloy naman ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga nasalanta habang patuloy ang search and rescue operations lalo’t daan-daan pa ang mga nawawala mula sa mga lugar na matinding naapektuhan ng baha.