Mabilis ang daloy ng mga taong dumadalaw sa Antipolo City Public Cemetery at mga katabing pribadong sementeryo ngayong Undas 2026, habang mahigpit na ipinapatupad ang mga panuntunan sa loob ng mga himlayan.
Ilang ipinagbabawal na gamit ang nakukumpiska sa mga pumapasok sa sementeryo, kabilang ang mga lighter na nananatiling pinakamaraming nakukuhang gamit sa mga inspeksyon.
Samantala, nagpatupad na rin ang lokal na pamahalaan ng pansamantalang pagsasara ng ilang kalsada at traffic rerouting mula October 31 hanggang November 2 upang bigyang-prayoridad ang mga pedestrian.
Kabilang dito ang pagsasara ng Sto. Niño Street, gayundin ang pagpapatupad ng stop-and-go traffic scheme sa ilang bahagi ng Circumferential Road at mga kalsadang malapit sa mga sementeryo.
Mayroon ding itinalagang parking areas sa Antipolo Proper at sa kahabaan ng Sumulong Highway malapit sa Providence Memorial Park.
Pinapayuhan ang mga motorista at mga bibisita sa mga sementeryo na sundin ang mga ipinatutupad na alituntunin at traffic advisories upang matiyak ang ligtas at maayos na paggunita ng Undas.