Hinimok ni dating Surigao del Norte Representative at ngayon ay adviser at spokesperson ng House Impeachment Team na si Robert Ace Barbers ang gobyerno na sagutin ang hospitalization at medical expenses ng mga tinamaan ng leptospirosis.
Ayon kay Barbers, dapat magpatupad ang Department of Health o DOH ng programang kahalintulad ng Bayanihan programs noong COVID-19 pandemic, kung saan malaking bahagi ng gastos sa pagpapagamot ay sinagot ng gobyerno.
Aniya, malaking tulong ang pagsagot ng gobyerno sa gastos sa ospital upang agad na makapagpagamot ang mga biktima at maiwasan ang pagkamatay.
Nanawagan din siya na maglaan ng mas maraming sasakyan ang mga lokal na pamahalaan at law enforcement agencies para mailikas at madala sa ligtas na lugar ang mga stranded dahil sa baha. | ulat ni Melany Reyes