Photo courtesy of Department of Health (DOH)
Naglabas ng pahayag ang Department of Health (DOH) kaugnay ng mga kumakalat na ulat ng mga umano’y pagkamatay na iniuugnay sa Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity o MR-SIA, at tiniyak na masusing iniimbestigahan ang bawat kaso.
Ayon sa DOH, nakikiramay ito sa mga pamilya ng mga batang nasawi at nakikipag-ugnayan na sa mga lokal na pamahalaan at iba pang kaugnay na ahensya upang alamin ang tunay na sanhi ng bawat insidente.
Sinabi ng kagawaran na sinusuri sa imbestigasyon ang medical records, vaccination history, laboratory results, at iba pang mahahalagang impormasyon.
Binigyang-diin din ng DOH na ang mga seryoso o hindi pangkaraniwang pangyayari matapos ang pagbabakuna ay hindi awtomatikong nangangahulugang ang bakuna ang sanhi ng pagkamatay at kinakailangan pa itong mapatunayan sa pamamagitan ng masusing pagsusuri ng mga eksperto.
Hinikayat ng DOH ang publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Muli rin nitong tiniyak na nananatiling ligtas at epektibo ang mga bakuna laban sa mga sakit na maiiwasan tulad ng tigdas at rubella.