Hindi pinayagang makabiyahe kagabi ang mga barko sa Bicol, Masbate at Mindoro dahil sa epekto ng masamang panahon dulot ng Habagat.
Batay sa ulat ng Department of Transportation mula sa Philippine Ports Authority, kabilang sa kanselado ang biyahe ng Starhorse Shipping Lines mula San Pascual, Masbate patungong Pasacao, Camarines Sur at pabalik.
Sa Masbate, kanselado rin ang lahat ng fast craft trips ng Montenegro Shipping Lines mula Masbate City patungong Pilar, Sorsogon.
Hindi rin bumiyahe ang Island Shipping at Kho Shipping Lines mula Cawayan, Masbate patungong Bogo, Cebu, gayundin ang Starhorse Shipping Lines mula San Pascual patungong San Andres, Quezon. Samantala, kanselado rin ang biyahe ng Montenegro Shipping Lines mula Roxas, Mindoro patungong Odiongan.