Photo courtesy of PHILVOCS
Nakapagtala ang PHIVOLCS ng tatlong volcanic earthquake sa Bulkang Bulusan sa nakalipas na 24 oras, batay sa kanilang ulat ngayong August 29, 2026.
Nasa 162 tonelada/araw ang sulfur dioxide flux sa naturang bulkan, batay sa kanilang pinakahuling monitoring nitong August 16, 2026, at nasa katamtamang pagsingaw ang plume sa bulkan.
Naitala rin ang panandaliang pamamaga sa bulkan.
Sa ngayon, nakataas ang Alert Level 1 sa Bulkang Bulusan, kung kaya’t mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 4-km Permanent Danger Zone at ang pagpasok nang walang pag-iingat sa 2-km Extended Danger Zone o EDZ sa gawing timog-silangan.
Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan. Pinaalalahanan din ng ahensya ang publiko na posibleng maganap ang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosion anumang oras.