Naka-red Alert na ang Department of Social Welfare and Development habang patuloy na minomonitor ang epekto ng Habagat sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, itinaas sa Red Alert ang National Disaster Alert status dahil sa mga weather system na nakaaapekto sa bansa.
Mahigit 3.4 million family food packs ang naka-preposition sa iba’t ibang warehouse at strategic locations ng DSWD sa buong bansa.
Mayroon ding 558.77 million pesos na Quick Response Fund ang DSWD Central Office para sa agarang disaster response operations.
Ayon kay Dumlao, naka-heightened alert ang mga Field Office ng ahensya at patuloy ang koordinasyon sa mga LGU para sa posibleng pagbaha, paglikas at pangangailangan ng mga apektadong pamilya. Pinapayuhan din ang publiko na manatiling mapagmatyag at regular na subaybayan ang mga opisyal na abiso ng PAGASA at lokal na pamahalaan.