Iimbitahan ng Commission on Elections ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM sa September 14, 2026.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, marapat lang na imbitahan ang Pangulo para maipabatid na patas ang isasagawang halalan at maiwasan ang anumang pagdududa mula sa iba’t ibang partido.
Kailangan aniya ito sa gitna ng mga pagdududa at puna na may kinikilingan umano ang Malacañang at Kongreso.
Ayon pa kay Garcia, dapat mabigyan ang lahat ng kandidato ng pagkakataong makapangampanya at mabigyan naman ang mga botante ng pagkakataong makaboto nang maayos.
Pagtitiyak pa ng COMELEC na magiging mahigpit din ang ipatutupad nilang seguridad oras na dumalo si Pangulong Marcos sa gaganaping makasaysayan at kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections.