Photo courtesy of COMELEC
Hinimok ni Commission on Elections o COMELEC Chairman George Erwin Garcia ang mga kandidato at partidong politikal na lalahok sa darating na halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na gumamit ng closed-circuit television o CCTV cameras upang makatulong sa pagprotekta sa mga balota at iba pang kagamitan sa pagboto.
Paliwanag ni Garcia na wala naman silang anumang patakaran na nagbabawal na mas higpitan ang surveillance sa mga balota at iba pang election paraphernalias, bagkus ay makatutulong pa nga ito sa transparency.
“Wala kaming patakaran na nagsasabing bawal magpalagay ng CCTV, halimbawa ‘yung isang political party, ‘yung isang candidate, para siguraduhin na ‘yung lahat ng gamit na nandito sa loob ng bulwagan ay walang nakakahawak, walang nakakagalaw,” giit ni Garcia.
Ito ang naging tugon ng COMELEC kasunod ng mga pangambang ipinaabot ng ilang lokal na opisyal sa BARMM laban sa usapin ng pre-shaded ballots.
“Magagawa lang naman ‘yung pagsha-shade ng mga balota, ‘yung mga tinatawag na pre-shading of the ballots bago dalhin ang mga balota sa mga presinto kung ang mga kababayan natin ay hindi bumoboto, natatakot, o mababayaran na lang,” saad ni Garcia.
Dahil dito, hinimok ng punong komisyoner ang mga poll watcher mula sa mga election watchdog, partidong politikal at mga kandidato na huwag lamang ang mga presinto ang bantayan. Tiniyak din ni Garcia na may sapat na hakbang ang COMELEC laban sa mga ganitong alalahanin, kabilang ang pagpapakalat ng mga puwersang panseguridad sa mga polling precinct.