Mahigit 2.2 milyong Family Food Packs na ang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development sa mga pamilyang naapektuhan ng mga bagyo at Habagat.
Ayon sa DSWD, 2,265,952 Family Food Packs, 14,896 non-food items at 23,688 ready-to-eat food boxes ang naipamahagi hanggang kagabi.
Saklaw ng distribusyon ang mga apektadong lugar sa 11 rehiyon, kabilang ang National Capital Region, Cordillera, Central Luzon, CALABARZON, Bicol at ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Ang mga ayuda ay inilabas bilang tugon sa augmentation requests ng mga lokal na pamahalaan para sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.
Sinabi ng DSWD na patuloy ang koordinasyon nito sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang mabilis at tuloy-tuloy na paghahatid ng kinakailangang tulong sa mga apektadong komunidad.