Idinaos sa Ateneo de Manila University ang ASEAN-IPR University Tour 2026, kung saan tinalakay ng mga lider at eksperto ang kahalagahan ng pakikilahok ng komunidad at kabataan upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa bansa.
Sa naturang talakayan, binigyang-diin ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Mel Senen Sarmiento na ang tunay na kalaban ng bayan ay kahirapan at hindi digmaan, kasabay ng panawagan sa kabataan at kababaihan na gamitin ang kanilang boses sa pamamahala.
Ibinahagi naman ni Agusan del Norte Governor Maria Angelica Rosedell Amante ang tagumpay ng pagpapaunlad sa kabuhayan gaya ng industriya ng kape at imprastraktura bilang mabisang tugon sa rebelyon.
Pinalakas din ni Palapag, Northern Samar Mayor Florence Batula ang mensahe ng pagpapalakas sa mga civil society organization sa mga barangay bilang tulay sa serbisyong publiko.
Samantala, iniulat ni Brigadier General Victor Llapitan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang isinagawang paglipat ng militar mula sa combat operations tungo sa localized peace engagements at direktang pakikipagdiyalogo sa mga komunidad.
Kapwa nagkakaisa ang mga lider at panelists sa isinagawang talakayan sa panawagan na ang tunay na kapayapaan ay nagsisimula sa matatag na lokal na pamahalaan, sapat na kabuhayan at aktibong pakikibahagi ng bawat mamamayan.