Welcome para kay Finance Secretary Frederick D. Go ang pagpapatibay ng Japan Credit Rating Agency o JCR sa A- investment grade credit rating ng Pilipinas na may stable outlook, na aniya’y patunay ng matatag na ekonomiya at epektibong mga repormang ipinatutupad ng pamahalaan.
Ayon sa JCR, nananatiling matatag ang credit rating ng bansa dahil sa malalakas nitong pundasyong pang-ekonomiya, kakayahan laban sa mga panlabas na hamon at patuloy na fiscal consolidation o pagpapatatag ng pananalapi ng gobyerno.
Kabilang din sa mga naging batayan ang mababang external debt, mataas na foreign exchange reserves at inaasahang pagbangon ng ekonomiya sa second half ng 2026.
Sinabi ni Go na ang rating affirmation ay nagpapalakas ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan at susuporta sa layunin ng pamahalaan na makahikayat ng mas maraming pamumuhunan, makalikha ng dekalidad na trabaho at mapanatili ang inklusibong paglago ng ekonomiya.
Binigyang-diin din ng JCR na ipinapakita ng pagpapatibay sa A- credit rating na may stable outlook ang kakayahan ng Pilipinas na isulong ang pangmatagalang pag-unlad ng ekonomiya at makamit ang mga layunin nito para sa medium-term growth. Kasunod ito ng kaparehong A- investment grade rating na may stable outlook na ibinigay noong nakaraang linggo lamang ng isa pang Japan-based credit rating agency na Rating and Investment Information, Inc. o R&I.