Ibinida ni National Bureau of Investigation o NBI Director, Atty. Melvin Matibag, ang naging mabungang pulong ng delegasyon ng bansa sa social media company na Meta, na siyang nagpapatakbo ng social media platform na Facebook.
Kumpiyansa si Matibag na mababawasan at mawawala ang negatibong impluwensiya ng social media sa mga kabataan kapag ipinatupad na ng kumpanyang Meta ang ipinangako nito.
Naging maganda ang pagtugon ng Meta sa panawagan ng pamahalaan ng Pilipinas kaugnay ng idinulog nilang mga lumalalang insidente ng negatibong impluwensiya ng social media sa mga kabataan.
Bukod sa mga akto o plano ng karahasan na posible nang agad matukoy at matunton ay mas mabilis na ring matutukoy ang mga nagpapalaganap ng fake news kapag ipinatupad na ng Meta ang nasabing paghihigpit sa kanilang platform.
Bukod dito, magtatayo rin ng opisina ang Meta sa Pilipinas upang mas mabilis na maaksiyunan ang mga ulat mula sa lokal na law enforcement. Magugunitang ibinunyag ni Matibag na mayroong ilang mga groomer na gumagamit ng social media para turuan ang mga kabataan na gumawa ng iba’t ibang krimen.