Photo courtesy of Tarlac City Government / Gov. Christian Yap / DPWH
Pansamantalang isinara sa lahat ng sasakyan ang Aquino Bridge sa Tarlac City matapos itong magtamo ng pinsala sa pundasyon dahil sa walang tigil na pag-ulan dulot ng Habagat at malakas na agos ng Tarlac River.
Ayon sa Department of Public Works and Highways o DPWH Tarlac 1st District Engineering Office, agad silang nagsagawa ng inspeksyon bandang 12:10 ng madaling araw ngayong Agosto 29, ilang minuto matapos ipasara ang tulay dakong 11:56 ng gabi.
Ang agarang pag-aksyon ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na unahin ang kaligtasan ng publiko at ang mabilis na pagtugon sa mga napinsalang imprastraktura. Agad ding naglagay ng mga barikada at nag-deploy ng mga tauhan ang ahensya habang isinasagawa ang masusing structural assessment ng tulay.
Samantala, pinapayuhan ang mga motorista na dumaan muna sa Agana Bridge at iba pang alternatibong ruta habang nananatiling sarado ang Aquino Bridge. Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang DPWH sa mga lokal na ahensya upang mapabilis ang traffic management at ang pagsusuri para sa agarang pagkukumpuni ng naturang tulay.