Binigyang-linaw at ipinaliwanag ni Department of the Interior and Local Government o DILG Secretary Jonvic Remulla ang kaniyang mga naunang pahayag patungkol sa pag-inspeksiyon sa mga bahay ng mga gun owners.
Matatandaang sa ginawang budget deliberation ng Kamara, sinabi ni Remulla na isa sa mga ikinokonsidera nila sa DILG ay ang inspeksiyon sa bahay ng mga gun owners upang matiyak na maayos ang pagkakatago at paghawak ng mga ito sa kanilang mga armas.
Kaugnay pa rin ito ng mga nangyaring serye ng pamamaril sa paaralan kung saan ang ginamit na mga armas ay mga service firearms na inisyu ng pamahalaan.
Ayon sa kalihim, hindi na kailangan ng anumang search warrants para gawin ito.
Dagdag pa nito, ang mga gun owners ay mayroong pipirmahan na waivers na sila ay pumapayag na bisitahin ng kapulisan ang lugar kung saan nakalagay ang baril. Layon nitong matiyak na ligtas ang lugar na pinagtataguan nila ng armas at hindi ito basta maaabot ng mga menor de edad.