Pinasisiguro ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na sa lalong madaling panahon ay makakarating ang tulong ng gobyerno sa mga naapektuhan ng kalamidad na grabeng tumama sa Central Luzon at Metro Manila.
Ang direktiba ay ginawa ng Pangulo sa ipinatawag nitong response meeting sa Malacañang kasama ang pinuno ng bawat kagawaran.
Base sa inilahad na ulat sa Pangulo ay nasa ₱674.44 million ng tulong ang naipamahagi na kung saan ₱37.18 million ang naiparating na sa Tarlac, ₱358.15 million sa Pampanga, at ₱270.10 million naman sa Bulacan.
Bukod sa pagbibigay ng financial assistance sa mga apektadong pamilya ay napag-usapan din sa ipinatawag na pulong ang patuloy na search, rescue, at evacuation operations gayundin ang sitwasyon ng pagbaha at daloy ng trapiko sa NLEX gayundin ang kahandaan ng mga ospital sa gitna ng mga kaso ng Leptospirosis.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, mahigpit ang bilin ni Pangulong Marcos na walang maiiwan sa pagtanggap ng kailangang tulong ng ating mga kababayan kasunod ng naranasang kalamidad at kung kailangang i-airlift ay gawin ito basta’t masiguro lang na makakarating ang suporta maging sa mga mahirap na pasuking lugar bunsod ng pagkalubog sa baha.
📸 PCO