Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa publiko na manatiling alerto, sundin ang mga payo ng awtoridad, at agad na lumikas kung kinakailangan upang matiyak ang kaligtasan sa gitna ng mga nararanasang masamang panahon at pagbaha.
Inihayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang paalala ng Pangulo para sa mamamayang Pilipino.
“Sa ating mga kababayan, ang mensahe ng Pangulo ay mag-ingat at sumunod sa mga advice ng mga awtoridad. Kung kinakailangang lumikas, sumunod po kayo agad para sa inyong kaligtasan,” pahayag ni Castro.
Tiniyak din ng Palasyo na nakahanda ang tulong ng gobyerno para sa mga maiapektuhang pamilya.
“Ang tulong po ay nandiyan at hindi po kayo hahayaang magutom, pati ang mga non-food kits tulad ng hygiene kits, sleeping kits, clothing kits, at kitchen kits ay kumpleto pong maibibigay sa inyo,” dagdag ng Palace Press Officer.
Mabilis na Aksyon at Pagpupulong sa Palasyo
Kahit natapat sa paggunita ng National Heroes’ Day, pinangunahan pa rin ni Pangulong Marcos ang isang pulong kasama ang Central Luzon at Metro Manila Response teams. Dumalo rito ang mga opisyal mula sa iba’t ibang kagawaran kabilang ang:
- Department of the Interior and Local Government (DILG)
- Department of Public Works and Highways (DPWH)
- Department of Social Welfare and Development (DSWD)
- Department of Health (DOH)
- Department of Budget and Management (DBM)
Layunin ng pagpupulong na makakuha ng pinakabagong ulat ukol sa epekto ng pagbaha at bumuo ng mga kinakailangang hakbang para sa mabilis na pagpapaabot ng ayuda at suporta sa mga localized communities.
Inspeksyon sa Bulacan at Pampanga
Bago ang nasabing pulong, personal na ininspeksyon ng Pangulo ang mga binahang lugar sa Bulacan at Pampanga at pinangunahan ang isang situation briefing kasama ang mga lokal na pinuno ng dalawang lalawigan.
Inatasan ng Pangulo ang mga kinauukulang ahensya na siguraduhing sapat at mabilis na maipapamahagi ang pagkain, gamot, relief kits, at temporary shelters para sa mga residenteng nasa evacuation centers.
Pinag-usapan din sa briefing ang mga pang-maikling panahon at pangmatagalang solusyon sa paulit-ulit na problema sa baha sa Pampanga at Bulacan, kung saan iginiit ni Pangulong Marcos sa mga ahensya na aksyunan agad ang mga posibleng remedyo upang maiwasan ang malawakang pinsala sa hinaharap.