Nasawi ang isang nurse matapos gumuho ang isang waiting shed sa Barangay Canhawan Gote, Catbalogan City, noong August 27.
Kinilala ang biktima na si Kelvin Rod Castro, RN, isang nurse sa ilalim ng Department of Health-National Health Workforce Support System (DOH-NHWSS), na bahagi ng vaccination team para sa Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity sa mga island barangay.
Bandang alas-2 ng hapon, habang naghihintay ng naka-schedule na motorboat pabalik ng Catbalogan, nasa waiting shed malapit sa pantalan si Castro nang bigla itong gumuho at natabunan siya.
Agad humingi ng tulong ang isang Barangay Health Worker. Nang dumating ang kanyang vaccination partner, isinagawa nito ang rapid assessment at CPR kay Castro.
Patuloy ang CPR habang isinasakay siya sa bangka pabalik ng Catbalogan. Pagdating sa pantalan, agad siyang sinalubong ng CDRRM team at dinala sa pinakamalapit na ospital.
Sa kabila ng isinagawang emergency response at medical intervention, idineklarang dead on arrival si Castro.
Ayon sa City Health Department, nagsisilbi si Castro sa mga komunidad sa isla nang mangyari ang insidente. Hiniling naman nito sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng haka-haka at hindi beripikadong impormasyon habang nagluluksa ang pamilya ng biktima. | ulat ni Charmaine Perito-Balvez | Radyo Pilipinas Calbayog